Ilaan ang malilikom o makokolektang buwis mula sa automobile excise tax sa pagsasaayos ng mass transportation system.
Ito ang giit ni Senador Sonny Angara sa pamahalaan kunsaan partikular na tinukoy nito ang pagsasaayos ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) systems, gayundin ang pag-subsidize sa Jeepney modernization program.
Naniniwala ang senador na matagal nang naghihirap ang mga commuters sa hindi maayos na transport system ng bansa kung kaya’t nararapat lamang na bilisan na ang pagsasaayos nito.
“We should fast-track our projects on improving and modernizing our public transport system so that Filipinos will have a viable transportation option,” ayon kay Angara, chair ng ways and means committee.
Sa taya ng Department of Finance (DOF), na sa ipapataw na dagdag buwis sa automobile ay inaasahang makakalikom ito ng P31.4 bilyon.
Kasama sa tax reform package ng Duterte administration ang dagdag buwis sa automobile.
Magugunitang, halos araw-araw na lang ay nagkakaaberya ang operasyon ng MRT at LRT na nagdudulot ng malaking puwersiyo sa libu-libong mananakay nito.