Lusot na sa Senado ang panukalang pagpapalawig ng availability ng pondo para sa mga biktima ng human rights violation sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa botong 16-0-0, inaprubahan sa 3rd and final reading ang Senate Joint Resolution No. 13 na nagtatakda hanggang Disyembre 2019 ang availability ng pondo.

Laman ng resolusyon ang extension ng maintenance, availability and release ng bilyong pisong pondo na nakadeposito sa Land Bank of the Philippines.

Binibigyan din ng awtorisasyon sa resolusyon ang Commission on Human Rights upang pamahalaan ang distribusyon ng pondo para sa mga biktima o kanilang mga naulila hanggang sa katapusan ng susunod na taon.

Alinsuod sa Section 7 ng Republic Act 10368, o ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, mahigit P10 bilyon, ang inilaan para sa kompensasyon ng mga biktima.

Mula ito sa kinumpiskang Marcos ill-gotten wealth ng Swiss Federal Supreme Court noong December 10, 1997.

Sa rekord, hanggang noong May 11, 2018, nasa 11,103 claimants sa 75,000 na aplikante ang inaprubahan ng Human Rights Victims Claims Board.

Hanggang noong June 28, 2018, iniulat din ng Human Rights Victims Claims Board na nasa P792.629 milyon pa ang pondo.