AVC: Hong Kong first victim ng Pinays

Ipinaramdam agad ng national team ang tikas nang walisin sa tatlong sets ang Hong Kong 25-21, 25-16, 25-17 kagabi sa unang laro nila sa 19th AVC Asian Senior Women’s Volleyball Championships sa Alonte Sports Arena sa Biñan.

Pinangunahan nina volleyball superstar Alyssa­ Valdez, Jaja Santiago, skipper Mika Reyes at Ces Molina ang pambabasag ng Filipinas sa matamlay na depensa ng Hong Kong.

Nagpakitang-gilas din sina setter Kim Fajardo,­ ­libero Denden Lazaro kahit mga may natatamo ­silang injuries.

Tangan ng Pilipinas ang 1-0 win-loss card sa Pool A, makakalaban nila ang Kazakhstan bukas ­(Biyernes).

Kapag tinalo ang Kazakhstan ay aabante ang ­Pilipinas sa susunod na phase at makakakuha ng slot sa AVC Asian Women’s Volleyball Cup sa susunod na taon.

Bukod kina Valdez, Santiago, Reyes, Molina, Fajardo at Lazaro ibinandera rin ni coach Francis Vicente sina Jovelyn Gonzaga, Aby Marano, Gen Casugod, Maika Ortiz, Aiza Maizo-Pontillas, Dawn Macandili at Kim Dy.

Samantala, tinalupan ng Thailand ang Maldives 25-5, 25-12, 25-9, kinalos ng Korea ang New Zealand 25-21, 25-14, 25-12.