BIÑAN CITY — Dinemolis ng Kazakhstan ang Hong Kong, 25-16, 25-17, 25-11, na nagbigay sa Pilipinas ng libreng tiket sa quarterfinals ng 19th AVC Asian Senior Women’s Volleyball Championship kahapon sa Alonte Sports Arena.

Nanguna para sa Kazakhs si Katerina Tatko na may 14 points, habang si Yana Petrenko ay nag­dagdag ng 12 at 11 mula kay Yekaterina Zhdanova.

Ang Kazakhs ay 1-0 sa Pool A, habang 0-2 ang Hong Kong, dahilan para otomatikong swak ang Pilipinas (1-0) sa quarters at spot sa AVC Asian Women’s Volleyball Cup sa 2018.

Samantala, pipilitin ng Pilipinas na maitala ang ikalawang panalo sa pagharap sa Kazakhstan ngayong hapon (5:30 p.m.).

Noong Miyerkules, kinaldag ng Pinay netters ang Hong Kong sa straight sets, 25-21, 25-16, 25-17.

Ipinakita ng Pinays ang kanilang natutunan sa 17-day training nila sa Japan, nandun ‘yung teamwork ang pag-umento ng kanilang galaw.

“Maganda ang ipinakita nilang laro, lahat gumagawa, hindi kasi puwedeng isa lang ang gagawa,” saad ni coach Francis Vicente. “Everybody should work hard hindi naman para sa ­sarili nila ‘yan, para sa Pilipinas ‘yan.

Pinamunuan nina volleyball superstar Alyssa Valdez, Jaja Santiago, skipper Mika Reyes at Jovelyn Gonzaga ang arangkada ng Pinay Spikers.

Tumapos si Valdez ng 14 points habang may 13 at pitong puntos sina Santiago at Ces Molina, ayon sa pagkakasunod para sa national team.

Nag-ambag din sina Reyes ng anim na puntos habang tig-lima sina Maizo-Pontillas at Gonzaga.