Kahit yumuko sa tatlong sets, masaya si coach Francis Vicente sa ipinakitang laro ng kanyang mga bataan.
Sa kauna-unahang pagkakatapon, pinasok ng Korea ang kanilang pambatong si Kim Yeon Koung sa lahat ng sets kontra sa Philippine women’s team sa 19th AVC Asian Senior Women’s Volleyball Championship.
Kinailangan ng Korea si KYK para walisin ang national squad 25-23, 25-18, 25-12 kahapon sa Alonte Sports Arena.
“Kung ako nasa lugar nila bilang player medyo magigimbal tayo kasi one of the world’s best ‘yan pero for me it’s an honor pinasok si KYK du’n sa loob nakita niyo naman sobrang lakas talaga niya pero kahit papano natutuwa ako kasi lumalaban mga bata,” pahayag ni Vicente.
Nabigla ang Korea sa first set matapos makipagsabayan ng Filipinas sa pangunguna ni volleyball superstar Alyssa Valdez kaya para masiguro ang panalo ay hinugot mula sa bench ang superstar na si KYK.
Napaganda ng FIVB 10th-ranked team Korea ang carryover record sa 2-0 sa Pool E. Nabaon sa 0-2 ang Pilipinas.
“Proud ako sa kanila kasi nakikita ko mentality nila na lumalaban, ‘yun lang medyo kinakapos talaga sa bandang huli ‘yun lang kailangan gawan ng solusyon bakit tayo kinakapos,” ani Vicente.
Bukod kay Valdez, nagpakitang gilas din sina Jaja Santiago, Jovelyn Gonzaga, Aby Marano at Mika Reyes, maganda rin ang ikot ng bola mula kay setter Kim Fajardo.
“Alam namin hindi papasok si KYK kaya nagbiruan kami na papasukin siya, parang ‘yun ang goal namin,” kuwento ni Gonzaga. “Kaya nu’ng pinasok siya nagkatitigan kaming lahat.”
Susunod na haharapin ng Korea ang Kazakhstan ngayon, katapat ng Pinay netters ang Vietnam.