Patuloy na nararamdaman ng mga Pinoy ang masamang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act or TRAIN-1.
Binabaan nga ang personal income tax pero pinalawig naman ang Value Added Tax (VAT) at dinagdagan ang excise tax sa ilang produkto.
Sinasabing ang TRAIN-1 ang isang pangunahing dahilan ng pagtaas inflation rate dahil nga sa ipinataw na karagdagang buwis sa petrolyo at iba pang produktong langis.
Maraming sektor ang nanawagan para pag-aralan ang epekto ng TRAIN-1. Ang iba naman ay hiniling na suspendehin ang pagpapatupad nito.
Pero mukhang sarado ang tenga ng ilang economic managers ng gobyerno tungkol dito. Heto nga’t si Finance Secretary Carlos Dominguez eh talagang nangunguna sa pagtulak ng second TRAIN package or TRAIN-2 na posibleng magresulta naman sa pagtaas sa presyo ng kuryente.
Sa ilalim ng TRAIN-2, tatanggapin ang incentives ng power sector partikular ang renewable energy industry. Ibig sabihin nito, magkakaroon ng 12 percent VAT sa kuryente. Ang sakit ‘di po ba?
Sa TRAIN-1 pa nga lang, 30 percent ng population ng bansa ay lalong naghirap dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin, partikular na dito ang bigas.
Kung talagang may malasakit ang gobyerno sa masang Filipino lalo na itong si Finance Secretary Dominguez aba’y siya ang manguna para itigil na ang pagtakbo ng TRAIN na kanyang minamaneho.
Bilang Finance chief, si Dominguez naman ang may kapangyarihan na pigilan ang karagdagang pahirap sa gastusin ng mga Filipino.
Pero mukhang iba ang tingin dito ng kalihim. Ang basa ko, pagkatapos nitong TRAIN-2 eh isunod naman niya ang TRAIN-3, TRAIN-4 so on and so forth. Nakakatakot ‘di ba?
Ang problema kasi dito kay Dominguez, hindi nararamdaman ang daing ng mga ordinaryong Filipino.
Baka naman sadyang wala siyang piso. Kaya nga lumalabas na isa siya sa ‘weakest link’ sa Duterte administration.
Huwag namang dumating ang panahon na unti-unti na tayong lulugmok dahil sa walang katapusang pagtutulak ni Dominguez ng iba’t ibang tax measures na magpapahirap sa ating lahat.