Away kalye dumarami

Nadadalas ngayon ang “road rage” o away kalye. Isang bayolenteng reaksyon ng mga moto­rista na kapag may nagawang mali ang kapwa motorista ay mag-iinit ang ulo at magagalit. Posibleng magsimula ito sa simpleng gitgitan o nagkaungusan sa trapiko.

Kadalasang reaksyon ay pagmumura, pangu­ngutya, pana­nakit at madugong komprontasyon na nauuwi sa pagpatay sa kapwa motorista. May iba’t ibang dahilan kung bakit nagiging road rager ang isang motorista.

Baka dala-dala niya sa kalye ang kanyang problema sa pamilya, problemang pinansyal, emosyonal, problema sa trabaho o ‘di naman kaya kulang sa sapat na pahinga.

Ayon sa isang psychiatrist na si Dr. Camille Garcia, posible rin na dahil tag-init, madali ring uminit ang ulo ng mga motorista. Idagdag pa rito ang pasikip pang pasikip na lansa­ngan na tuwing rush hour, mistulang mahabang parking lot kaya madalas na mainitin ang ulo ng ibang may hawak ng manibela.

Ayon naman kay da­ting Land Transportation and Franchi­sing Board and Regulatory (LTFRB) Board Member, Atty. Ariel Enrile-Inton, naniniwala siya na dapat may maipasang batas para mahinto ang mga krimen sa lansangan na madalas pinasisimunuan ng mga “road bullies”.

Dagdag pa ni Inton, “naniniwala ako na ang mga kaso ng “road rage” ay resulta ng bullying sa kalsada. Ikaw ba naman, kung maayos ka halimbawa na nasa lane mo habang nagmamaneho, bigla kang sisingitan, na muntik ka pang mabangga ng mga road bullies.

Kung maipit ka nga naman ng mahabang oras sa traffic. Idagdag pa ang makikita mong mga motorista na hindi sumusunod sa traffic rules, mga walang pa­kundangan kung mag-park sa mga gilid ng kalsada kahit alam nila na bawal.

Ilang beses na natin narinig ang balita ng aksidente na sanhi ng pag-beat sa red light ng mga road bullies.

Pero bakit paulit-ulit sila nangbu-bull­y ng kapwa sa kalsada? Kasi walang mabigat na batas laban sa mga road bullies. At ano ang mas masamang epekto ng kawalang kontrol sa mga road bullies?

Ito naman ang road rage. Minsan kapag pumalag ka sa isang road bully, sila pa ang galit, sila pa ang may ganang magwala at kamakailan nga, ang kaso ng isang nag-road rage na nakapatay.

Lagi nating tandaan, walang nana­nalo sa road rage o away kalye. Ikaw ang masaktan o ikaw ang makasakit, madedemanda ka? Kapag ikaw ang nakapatay, kulong ka!

Pati ang mga inosenteng mi­yembro ng iyong pamil­ya ay posibleng magdusa rin dahil sa iyong ginawa. Kaya konting hinahon at lamig lang ng ulo. Sa away kalye, talo tayo d’yan!