Pinaniniwalaang agawan sa lupa ang motibo ng pagmasaker sa isang mag-anak sa Gonzaga, Cagayan kung saan anim na mi­yembro ng pamilya ang pinagtataga hanggang sa mapatay ng mga suspek.

Ayon sa pinakahu­ling ulat ng Gonzaga Municipal Police Station, kabilang sa mga nasawi ang padre de pamilyang si Dizon Oandasan, 42, na isang magsasaka, at asawa nitong si Sany 47, ang tatlo nilang anak na sina Wilson, 13; Karen, 12; at Dizon Jr., 5-anyos, at kaanak na si Juanito Soliva, 55.

Samantala, kritikal pa rin ang kalagayan sa pagamutan ng tatlong taong gulang nilang anak.

Natagpuan ang mga bangkay nila sa loob at labas ng kanilang bahay sa liblib na lugar sa Sitio San Francisco, Brgy. Ipil, Gonzaga.

Lumalabas sa pag-iimbestiga ng Gonzaga Police na minasaker ang pamilya Oandasan noong Sabado nang madaling-araw.

Mahimbing na natutulog ang mag-anak sa loob ng kanilang bahay nang pasukin ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek na pawang armado ng itak at pinagtataga ang mga biktima.

Nakatakbo ang ilan sa mga biktima palabas ng bahay pero hinabol sila ng ilang suspek at pinagtataga rin hanggang sa mapatay.

Ayon kay Chief Ins­pector Elpidio Zingapan, hepe ng pulisya ng Gonzaga, mayroon na silang mga person of interest sa krimen pero sadyang hindi muna nila maaaring ibunyag ang mga pangalan upang hindi masira ang ginagawang follow-up operation para masakote ang mga ito.

Hinala ng pulisya na nasa tatlo hanggang apat na suspek ang may kagagawan ng krimen.

Inihayag naman ni Cagayan police provincial director Sr. Supt. Warren Tolito na kabilang sa mga person of interest sa masaker ay ilang kamag-anak umano ng mga biktima na nakaaway nila sa lupa.
Gayunman, patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng pulisya para malinawan ang lahat at matukoy ang mga suspek.