Dear Atty. Claire,
Atty good day po! Way back 2011 ay may nabili po akong lupa . Iyon po ay farm nang lola ko at nasa 1,000 sq meters daw po ‘yun. ‘Yung kasulatan lang po namin ay sa barangay lang. May pirma po ‘yung lola at lolo ko at kami nang husband ko at mga opisyales ng barangay. Ngayon po ay gusto kong ipabakod. Gusto po nu’ng tito ko na bigyan ko siya nang daanan ng kariton niya dahil may usapan daw po sila nu’ng lolo ko noong nabubuhay pa na bibigyan siya nang daan. Pareho na po wala sina lolo at lola. Sabi ko kung may usapan sila ipakita niya ‘yung agreement nila pero wala naman po at verbal lang daw kasi po ay tabi-tabi ‘yung farm ng mga anak ng lola at lolo. Meron naman po siyang ibang option puwede siyang dumaan dun sa bahay ng anak niya pero sa lupa pa namin siya nanghihingi.
May karapatan ba silang mag-demand ng right of way?
Salamat po.
Judith
Ms. Judith,
Ang right of way ay pinagkakaloob sa isang property na wala nang ibang maaring ingress or egress point o wala nang ibang labasan mula sa kanyang property. Pinagkakaloob ito ngunit hindi ito libre dahil binabayaran ang may-ari ng lupa ng value ng makukuhang space para gawing right of way. Ito ay hindi rin naman basta-basta mahihiling kung may iba pang maaring daanan palabas ng highway o road.
Kung totoong may usapan sila noon pa ng lolo mo at dapat na sumama siya sa barangay habang kayo ay nagbabayaran upang maibawas ito sa presyo ng lupa dahil ang dapat na kumarga ng halaga ng mawawalang lupa ay ang lolo mo.
Sa sitwasyon ninyo ay wala akong nakikitang dahilan upang ikaw ay mapilit ng tito mo bigyan siya ng daan para sa kanyang kariton.
Ang payo ko sa iyo ay magpatitulo ka na upang malaman mo ang tunay na boundaries o technical description ng lupa mo para malaman mo na kung dapat malagyan ng right of way ‘yang lugar mo o hindi.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com