Swak sa piitan ang isang AWOL (Absent Without Official Leave) na pulis, kasama ang tatlong sinasabing ‘bataan’ nito nang mahuling sakay sa mga kinarnap na behikulo sa Quezon City habang tinutugis pa ang kasabwat na isang babae, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ni Acting Quezon City Police District director,(Gene Adsuara) P/Col. Ronnie Montejo ang mga suspek na sina Patrolman John Rhey Bautista, 37, ng Malabon City, na dating nakatalaga sa Southern Police District bago nalipat sa Camp Bagong Diwa noong Hunyo 18, 2015; Albert Hipolito, 46, Travel and Tours Coordinator ng Brgy. Tandang Sora; Christopher Orosco, 39, car agent, ng Caloocan City, at Roderick Sarang, 43, mechanic ng Brgy. Santol, Quezon City.
Sa report ng Masambong Police Station 2 na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Rodrigo Soriano, inaresto ang mga suspek matapos ireklamo ni Tommy Roperto, 54, isang retiradong US Army, na nagpaparenta ng mga sasakyan.
Ayon kay Roperto, alas-9:00 nang gabi ng Setyembre 12, 2019, isang Joanna Mae Turingan, 30, ng Tejeros Makati City, ang nagtungo sa pag-aari niyang Thriving Rent a Car sa Brgy. Puting Kahoy, Silang, Cavite at nagrenta ng dalawang sasakyan sa halagang P22,000 at nagkasundong isasauli ito sa Setyembre 15, 2019.
Gayunman, bigo umano si Turingan na maisauli ang mga sasakyan, na kinabibilangan ng Sedona red na Mitsubishi Montero, model 2018, na may conduction sticker na B3 NO11 at metallic blue na Mitsubishi Mirage, model 2019 na may plate number na DAM 7096.
Napuna rin umano ni Roperto na pinatay ang Global Positioning System (GPS) tracking device ng mga sasakyan kaya naghinala siya at agad na nag-report sa QCPD-PS 2.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya nang malamang naispatan ang Montero sa Visayas Avenue, Quezon City sa pamamagitan ng back-up GPS nito subalit natagpuan na itong nakaparada sa Tomas Morato.
Nang lapitan ng mga pulis ang sasakyan, ay nakitang sakay nito sina Bautista, Hipolito at Orosco kaya agad silang inaresto. (Dolly Cabreza)