Isang pulis-Maynila na nag-AWOL (absent without official leave) sa serbisyo ang pinagbabaril ng riding-in-tandem habang aba­lang nagte-text sa kalsada sa Quezon City kahapon nang hapon.

Kinilala ni Quezon City Police District director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang biktima na si PO2 Arthur Cordero na huling nakatalaga aniya sa District Anti-Illegal Drugs ng Manila Police District pero idineklarang AWOL noong 2015.

Sa inisyal na ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit, pasado ala-una ng hapon nang pagbabarilin ng riding-and-tandem ang biktima habang naglalakad ito at abalang nagte-text sa Calavite St., La Loma, Quezon City.

Namatay noon din ang biktima dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo at likod habang mabilis namang tumakas ang mga suspek.

Kamakalawa lamang ay pinatay din ng riding-in-tandem ang isang opisyal ng pulisya na si Inspector Romeo Nicolas Tandas na nakatalaga sa District Tactical Operation Unit.

Sakay si Tandas ng Toyota Avanza na minamaneho ng kanyang misis nang pagbabarilin siya ng riding-in-tandem sa panulukan ng Commonwealth Avenue at University Lane sa Brgy. UP Campus.