Umaabot na sa P5.5 bilyon ang binuhos ng Ayala group of companies bilang tulong nito sa mga empleyado, mga partner sa negosyo, at mga donasyon kaugnay sa COVID-19 pandemic.
Ang mga Ayala ang unang nakatikim ng bagsik ng epekto ng COVID-19 dahil may mga planta itong isinara sa China noong nag-uumpisa nang kumalat ang sakit doon kaya’t mas napaghandaan nito ang pangyayari kumpara sa iba.
Sa mensahe ng magkapatid na Jaime Augusto at Fernando Zobel de Ayala, sinabi nilang nilinaw nila ang kanilang prayoridad. Una sa binigyang halaga ng Ayala group ay ang pangalagaan ang kalusugan at pangangailangang pinansyal ng mga tauhan nito, siguruhin ang pagpapatuloy ng negosyo, bigyan ng suporta ang mga kliyente at partners, at suportahan ang mga komunidad sa paligid nito.
“This is a crisis that is unprecedented in scope and scale and our response must be reflective of this reality,” sabi nila.
Tiniyak ng Ayala group na handa itong mapangalagaan ang kaligtasan ng mga tauhan nito sa oras na tanggalin ang lockdown. Bumili na ito ng mga COVID-19 testing kits at machines at nakipag-alyansa na ito sa mga ospital at clinic para makagagalaw ang mga tao nito at maibibigay ang pangangailangan ng kanilang mga customers ng hindi nalalagay sa delikado ang mga tao.
Sabi ng magkapatid na Zobel, pinag-iisipan na nila kung paano bumangon mula sa krisis at nakatuon sila ngayon kung paano gumalaw sa nagbabagong panahon. (Eileen Mencias)