Ayala, Sy, ibang malalaking kompanya pinasalamatan ng palasyo

Pinasalamatan ng Malacañang ang mga malalaking kompanya sa bansa dahil sa positibong pagtugon sa panawagan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bigyan ng sahod at benepisyo ang kanilang mga manggagawa kahit hindi pumapasok ang mga ito dahil sa ipinaiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na natutuwa ang Palasyo dahil sa mabilis na pagtugon ng mga malalaking kompanya para sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa ng hindi makokompromiso ang mga kanilang leave credit.

“The Palace joins the DOLE in thanking some of the large companies of our country for heeding the appeal of the government to provide their workers and employees their respective salaries and benefits during the duration of the enhanced community quarantine in Luzon without charging them against their leave credits,” ani Panelo.

Pinasalamatan din ng Palasyo ang mga kompanyang nagbigay ng mga donasyon para sa mga frontliner na nagsasakripisyo para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa iba pang lugar sa bansa.

Kabilang sa mga kompanyang magbibigay ng isang buwang sahod at benepisyo para sa kanilang manggagawa ay ang Aboitiz group of Companies, Asian/Terminal Hotel, Ayala Group of Companies, JG Summit/Gokongwei Group of Companies, Jol­ libee Group of Companies, Lucio Tan Group of Companies, Manuel V.Pangilinan Group of Compa­nies, SMC Group of Companies, at SM Group of Companies. (Aileen Taliping)