Nagawa pa na maka-dive sa dagat upang tuluyang makatakas ang isang drug user sa kabila ng mga tama nang bala sa katawan, matapos na manlaban sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nagsagawa ng ‘Operation Tokhang’, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Naiahon at naisugod pa sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center ang biktimang si Crisanto Marquezes ng Purok 2 Isla Puting Bato sa Tondo bago tuluyang idineklarang patay dakong alas-otso ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro ng MPD-homicide section bandang 4:20 ng madaling- araw, nang magsagawa ng Oplan Tokhang ang ilang tauhan ng Delpan Police Community Precinct, kasama umano si Arnel Parce, barangay chairman sa Brgy.20 Zone 2 sa area ng Isla Puting Bato.
Kinatok umano ng mga pulis ang barong-barong ni Marquezes, at nang buksan ay nagulat sina PO2 Elmer Quintos at PO1 Eugene Langcay, kapwa nakatalaga sa nasabing PCP, dahil sinalubong sila ng putok ng baril, kaya gumanti ang mga awtoridad.
Nabaril sa katawan si Marquezes, pero mabilis itong tumalon sa dagat para makatakas, pero sinundan ito ng mga alagad ng batas hanggang sa maiahon at saka isinugod sa pagamutan.
Narekober sa barong-barong ni Marquezes ang limang piraso ng naka plastic sachet na hinihinalang shabu, 1 gamit na alluminum foil at isang disposable lighter.