Ayaw magbigay ng pangtoma, lover kinatay

dead-body

Nasawi ang isang 43-anyos na vendor matapos pagsasaksakin ng kanyang kinakasama nang hindi ito magbigay na pambili ng alak, kamakalawa ng gabi, sa Port Area, Maynila.

Nalagutan ng hininga­ dakong alas-9:57 ng gabi habang inooperahan sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Baunut Mapusali, Muslim, residente ng Block 11 Baseco Compound, Port Area dahil sa apat na malalalim na saksak sa ibat’t ibang bahagi ng katawan.

Pinaghahanap naman ang suspek na si Lux Mangcao alyas ‘Kakok’ na tinatayang nasa pagitan ng edad na 40-45.

Sa imbestigasyon ni SP02 Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang pananaksak sa loob ng bahay ng magka-live in.

Kararating pa lamang umano mula sa pagtitinda ng biktima nang humi­ngi ng pera ang suspek. Subalit ayaw umano itong bigyan kaya nagalit at tinangkang agawin ang dalang bag ng biktima na may laman ng kinita nito pero hindi ito naagaw.

Lalo umanong nagalit ang suspek kaya kumuha ng patalim at pinagsasaksak ang kinakasama bago tumakas dala ang patalim.

Nabatid na madalas umanong maglasing ang suspek at humihingi lamang ng pera sa biktima.