Matapos mag-viral ang mga donasyon gown, suit, boots at iba’t ibang mga kakaibang kasuotan na malabong magamit ng mga evacuee, may bagong hiling ang mga babaeng bakwit at ito ay mga underwear o panty na umano’y mas higit na kailangan para sa kanilang personal hygiene.
Sa pagbisita sa Irukan Elementary School sa Sta. Teresita , Batangas, nasaksihan ng Tonite ang maayos na pamamalakad sa evacuation center lalo na sa pamamahagi ng relief goods sa mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.
May hawak na numero ang bawat pamilya na isa-isang tinatawag kapag bibigyan na sila ng food pack, mga damit, kumot, at iba pang gamit.
Sa panayam sa residenteng si Maira Dimailig, bagama’t nahihiya ay nanawagan na ito na kailangan nila ng mga underwear lalo na sa kababaihan dahil hirap silang maglaba bunsod ng kakapusan din ng tubig.
Sapat naman umano ang naibibigay na pagkain sa kanila. Marami rin umanong nagpapadala ng mga sanitary pad ngunit kulang na kulang sila sa panty.
Sa ngayon ay patuloy ang panalangin ng mga ito na sana ay matapos na ang banta ng mas malakas na pagsabog ng Bulkang Taal. (Job Macayan)