Ayaw masunog ang ambisyon

Marami na ang nakakahalata na pumopostura na si Senador Manny Pacquiao para sa 2022 presidential elections. Gagawa kasi siya ng pelikula na hango sa buhay ng bayaning si Heneral Miguel Malvar. Bukod dito, tambak din ang kanyang mga ineendorsong produkto.

Hindi na bago ang ganitong estratehiya dahil ginawa na rin ito ng ilang politiko sa mga nagdaang halalan. Ang iba naman ay pinalalabas sa telebisyon ang kanilang ­talambuhay. Sa kabila nito, hindi pa rin inaamin ni Pacquiao kung tatakbo siya sa ­pampanguluhang ­halalan. Naghihintay pa raw siya ng basbas ng Panginoon.

Sakaling matuloy si Pacquiao sa ­pagtakbo, marami siyang ­magiging kalaban. Ang iba, nag-iikot na rin sa iba’t ibang panig ng bansa at tumutulong sa mga nanga­ngailangan. Tulad ni Pacquiao, hindi pa sila nagdedeklara. Mahirap nang masunog at baka mabulilyaso ang kanilang ambisyon.

Minsan na ­kasing nangyari ito kay ­dating Vice-President Jejomar Binay na maagang nagdeklara ng plano na tumakbo noong 2016 presidential elections. Kaya ang nangyari sa ­kanya, maaga ring binakbakan nina Senador Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano, ngayon ay Speaker ng Kamara.

Matapos ang ilang beses na pagdinig sa Senado, ang ­dating nangunguna sa ­survey na si Binay ay ­naabutan ng ibang kandidato hanggang sa ­matalo ito ng ­alkalde ng Davao City at ngayon ay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ganito rin ang nangyari kay ­dating ­Senate President Manny ­Villar. Maaga rin siyang nagdeklara ng kandidatura para sa 2010 presidential elections kaya’t maaga rin siyang nabanatan tungkol sa C-5 road ­extension scandal. Si Villar ang ­frontrunner sa nasabing halalan dahil sa kanyang makinarya at datung pero dahil sa mga kontrobersya ay tinalo ito ni Senador Benigno “Noynoy” Aquino III. Actually, naungusan din ni dating Pangulong Joseph Estrada si Villar.

Ang nangyari sa dalawang politiko ang maaaring iniiwasan ngayon ng mga ­tatakbo sa susunod na presidential elections kaya’t deny to death sila sa mga tanong kung tatakbo sa ­darating na halalan. Kapag umamin kasi sila, ­tiyak na masusunog ang kanilang plano at ambisyon sa politika.