Kahilahilakbot ang naging kamatayan ng 4-anyos na batang babae na nagtamo ng ligature mark sa leeg, laslas sa labi at mga pasa sa mukha at katawan dahil lamang sa ayaw nitong matulog. At ang salarin ang sarili nitong pinsang lalaki na 14-anyos lamang.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Detection Unit (QCPD-CIDU) nangyari ang krimen sa loob ng bahay ng biktimang itinago sa pangalang ‘Nene’ sa Karunungan St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City, kahapon ng alas-12:30 ng tanghali.

Itinuturong suspek ang pinsan nitong itinago sa pangalang Boy na hawak na ng mga awtoridad at kusang umamin sa kanyang nanay na siya ng pumaslang sa biktima.

Bago ang insidente, pansamantala umanong iniwan ng ina ang biktima sa suspek dahil mamalengke ito.

Subalit pag-uwi ng ina ay nagkakagulo na sa kanilang bahay dahil sa sinapit ng anak sa kamay ng suspek.

Nadatnan na lang umano nito ang anak na naliligo sa dugo at nakabulagta sa ibabaw ng kama habang ang suspek ay tulalang nakaupo, hawak ang patalim at duguan ang mga kamay.

Agad na isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center, su­balit dakong alas-tres ng hapon ay binawian din ito ng buhay.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PO3 Tejerero, na naga­lit umano si Boy sa biktima dahil ayaw nitong matulog.

At dahil menor-de-edad ang suspek kaya’t kinokonsiderang isang Child in Conflict with the Law ang kaso nito.

Ipinasa na rin ito sa pa­ngangalaga ng Women and Children’s Protection Desk na posibleng i-turn over din sa pangangalaga ng DSWD.