Dear Sir/Ma’am,

Natutuwa ako sa ginawa ng mga Ulama nang magdeklara sila ng fatwa sa Lanao del Sur kontra Maute. Ano ang dulot nito? Naging masaya ang mga sundalo dahil doon at motivated sila sa pakikisabak upang malipol na ang Maute.

Pinapahiwatig lang nito na pati mga kapatid nating Muslim ay ayaw ang ideolohiyang takfiri ng Maute na ginaya lang naman nila sa Daesh/ISIS sa Syria.

Nawa ay mga kababayan natin ngayon ay matuto na rin makaunawa ng mga kaganapan hinggil sa isyu na ito. Muslim na ang nagsasabi. Mga iskolar at respetadong tao na nila mismo ang nagbubunyag ng kalapastanganan ng Maute Group sa Marawi.

Suportahan natin ang fatwa ng mga Ulamas. Mara­ming salamat sa mga Muslim na alam kung ano ang tamang Islam. Mabuhay kayo! Sa mga kasundaluhan natin ngayon na pagod na sa giyera doon sa Marawi, lakas niyo ang loob ninyo. Kaunti na lang mga brad! Pagpalain kayo ng Diyos!

Jumel Gabilan Estrañero
Defense Researcher/Analyst & College Faculty member

Wala ng tunay na idelohiya ang CPP-NPA-NDF

Dear Sir:

Magandang balita para sa ating mga kababayan lalo na sa kabundukan ang na­ging pahayag ni Maj. Gen. Benjamin Madrigal. Siya ang commander ng 4th Infantry Div na papalit kay Lt. Gen. Ferdinand Quidilla na nagretiro na. Pahayag niya pagkatapos ng Marawi Siege tututukan na niya ang team efforts laban sa New People’s Army.

Tama lang na tutukan ang problema sa NPA. Masyado ng mahabang panahon at salapi ang naubos para sa ipinaglalabang ideolohiya ng mga makakaliwa na hanggang sa ngayon ay wala naman napupuntahan.

Sa panahon ngayon hindi na karapatan ang ipinaglalaban ng mga makakaliwang grupo. Umiikot na ang usapan sa pera-perang paraan. Panununog, pagpatay, pangingikil, pangingidnap at paggamit ng kabataan, isa lang ang dahilan lahat ay para sa pera. Wala ng tunay na ideolohiya ang CPP-NPA-NDF. Pera na lang ang habol nila para sa iilang makapangyarihan at utak ng makakaliwang pag-iisip.

Bahala na si batman sa mga nasa mababang uri ng mandirigma ng NPA, basta ang mga nasa taas ay siyang patuloy na nakikinabang sa ibinubuwis na buhay ng kanilang mga alagad.

Sana ay mamulat na ang ating mga kapatid na naligaw ng landas. Hindi ito ang buhay na dapat nilang tiisin at tahakin.

Nishen R. Avalde

Maangas, pero bukas-pusong tumulong

Dear Sir:

Maraming salamat kay Binoe (Robin Padilla) sa pagbibigay niya ng donasyon para sa mga tao sa Marawi lalo na sa mga kabataan.

Maangas at astig man tignan si Binoe, nakakamangha na sa dami ng artista na may kakayahan mag-donate talagang itong si Binoe ay bukas-pusong nag-abot ng tulong para sa mga Maranaon.

Salamat kapatid sa iyong pagtulong sa ating mga kababayan. Sana marami pa ang mahikayat lalo na sa mga artista at pulitiko maging negosyante na may kumurot sa kanilang puso para mag-abot din ng tulong kahit sa simpleng paraan lang. Tulungan natin ang ating mga kababayan na umahon mula sa digmaan. Ito ang kwento ng tunay na bayanihan, pagmamahalan at damayan ng buong mamamayan.

Louch Ael Aquino
Bataan