Nakakabulahaw na ang pagkanta ay nagawa pang manaksak ng isang mag-ina ang isang lalaki na lango sa alak na inawat nila sa pagkanta sa videoke sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Navotas City Police, alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng mga biktimang sina Beverly Bismanos, 57-anyos at anak niyang si John Ryan Bismanos, 28-anyos, binata sa Puting Bato, Road 10, Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod.
Lasing umano at kumakanta sa tapat ng bahay ng mag-ina ang suspek na nakilala sa alyas ‘Dodoy Amores’ sa videoke na pagmamay-ari ng pamilya ng mga biktima at dahil sa sobrang ingay at may susunod pa sa kanyang kakanta na naka-reserve na ang aawitin kaya inawat na nila ito.
Ngunit sa halip na huminto ay nagalit umano ang suspek at inaangkin na sa kanya umano ang susunod na kanta.
Walang anu-anong bigla na lamang na nagbasag ng bote ang suspek at itinarak ang basag na parte na hawak sa anak na Bismanos.
Agad namang umawat ang kanyang ina ngunit maging siya ay sinaksak na rin ng suspek.
Matapos ang insidente ay mabilis ding tumakas ang suspek habang agad ding naisugod sa Tondo Medical Center ang mag-ina na nasa mabuti na rin namang kalagayan sa ngayon.