Sinabi kahapon ng Department of Transportation (DOTr) na maaari namang magpaiwan sa Metro Manila ang mga empleyado nila na ayaw madestino sa Clark, Pampanga kung saan inilipat ang kanilang punong tanggapan.

Ayon kay DOTr Spokesperson at Assistant Secretary for Legal Affairs Leah Quiambao, ito ay dahil sa patuloy pa ring pagtutol ng ilang empleyado ng ahensya sa paglilipat ng kanilang tanggapan sa Clark at paggigiit na hindi sila nakonsulta hinggil sa naturang hakbang.

Paliwanag ni Quiambao, ang mga empleyadong ayaw madestino sa Clark ay maaari namang ilipat sa mga sectoral at attached agencies ng DOTr na nasa Metro Manila pa rin at hindi mawawala ang kanilang seniority lines at walang anumang pagbabawas ng kanilang mga suweldo at benepisyo.