Isang barangay kagawad na kilalang aktibo sa pagsugpo sa iligal na droga sa pinaglilingkurang barangay ang walang-awang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng limang kalalakihan sa loob ng bahay nito sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Alberto Cleopas, 60, barangay kagawad ng Apolinario Mabini Alley, Barangay 18 ng nasabing lungsod matapos magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan mula sa mga .45 caliber na baril.
Sa ulat ng Caloocan City Police-Station Investigation Division Management Branch (SIDMB) partikular ni PO3 Edgar Manapat, ganap umanong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob mismo ng pamamahay ng biktima.
Ayon sa kapatid nitong si Teresita Cleopas-Gabriel ay bigla na lamang umanong dumating ang limang kalalakihang lulan ng dalawang motorsiklo at pwersahang sinira ang kanilang main door at nang makapasok ay agad tinungo ang kinaroroonan ng biktima na mahimbing nang natutulog sa silid at saka walang habas na pinaulanan ng bala.
Hindi na naisugod pa sa pagamutan ang biktima dahil nasawi rin ito agad. Matapos umanong masigurong wala nang buhay ang biktima ay mabilis ding nagsitakas ang mga salarin sakay ng kanilang mga motorsiklo.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo ng mga ito.
Hinala naman ng pamilya ng biktima ay posibleng may kinalaman sa iligal na kalakaran ng illegal drugs ang pamamaslang, dahil aktibo umano ang biktima sa pagpuksa nito sa kanilang lugar.