Binanatan ng isang mambabatas ang mabagal aniyang pamamahagi ng relief at financial aid sa mga magsasaka na apektado ng COVID-19 pandemic.
Inihayag ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat ang kanyang pagkadismaya sa mabagal na pagdating ng tulong sa mga magsasaka bagama’t naka-limang report na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso hinggil sa implementasyon ng Bayanihan to Heal As One Act.
Ayon sa mambabatas, nasa ikalimang linggo na ang enhanced community quarantine subalit 53,446 pa lamang mula sa 591,246 target beneficiary ang nakatanggap ng ayuda.
“90 percent of farmers have yet to receive aid under the Financial Subsidy to Rice Farmers program,” ani Cullamat.
“Napakatagal ng ayuda ng gobyerno sa ating magsasakang nagugutom na. Panglimang linggo na ng ECQ ngunit 9 sa 10 magsasaka ang hindi pa nabibigyan ng tulong. Hanggang ngayon tinatapos pa lang nila ang paglilista ng magsasakang benepisyaryo. Mamamatay na lang ang mga tagalikha ng pagkain bansa, wala pa rin ang ayuda,” sabi pa nito.
Anya, maliit pa ang 591,000 target beneficiary kumpara sa 9.7 milyong mga magsasaka at mangingisda na apektado ng lockdown sa Luzon.
“Ipinapakita ng datos mismo na kulang na kulang at usad-pagong ang ayuda ng gobyerno. Kaya nag-iinisyatiba ang mga tao para tumulong,” sabi pa ni Cullamat.
Giit nito na hindi lamang bilisan kundi dapat ay palawakin pa ng Department of Agriculture (DA) ang mga target beneficiary nito. (JC Cahinhinan)