Ayuda sa middle class malabo- Dominguez

Hindi na pinaaasa pa ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang mga pamilyang kabilang sa middle class sa anumang tulong pinansyal mula sa administrasyong Duterte, maliban na lang yung mga nagtratrabaho sa small and medium enterprises.

Gayunman, sa panayam sa CNN Philippines ay sinabi ni Dominguez na tinutugunan ng Bayanihan Law ang ilang mahalagang na isyu partikular ang tungkol sa mga housing at credit card loans ng mga middle class na pamilya ,

Sabi ni Dominguez, inuutusan ng batas ang mga bangko at credit card companies na huwag maningil ng mga interes at penalty sa mga utang ng mga tao para sa panahong sakop ng lockdown sa Luzon. Dagdag pa niya na bahagi ng Bayanihan Law na tumutukoy sa mga housing at credit card loans ay dinisenyo para mismo sa mga middle class na pamilya.

Nang tanungin kung bibigyan ng pinansiyal na ayuda ang middle class: “I doubt it at this point in time (duda ako sa ngayon), sagot ni Dominguez.

Sabi ni Dominguez na may nakalaang P35 bilyon hanggang P50 bilyon para sa mga maituturing na nasa lower middle class na mga nagtratrabaho sa SMEs at yun ang bahagi ng middle class na tatanggap ng suporta mula sa gobyerno .

Samantala, sinabi naman ni Sectary to the Cabinet Karlo Nograles na patuloy pang pinag-aaralan ng economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte ang posibilidad na mabigyan din ng tulong -pinansiyal ang mga middle income earner dahil kasama rin silang nakakaranas ngayon ng krisis dahil sa ipinaiiral na lockdown .

Kapag aniya mayroon ng rekomendasyon ang economic team ay ilalatag nila ito sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para matalakay bago isumite kay Pangulong Duterte.

“Pinag-aaralan pa po. Wala pa pong report sa amin ang economic team. But kapag mayroon na silang detalye at proposal ay irerekeomenda naman iyan sa IATF,” ani Nograles.

Kasama aniya sa pinag-aaralan ngayon ng mga ekonomista ng gobyerno ay kung saan huhugutin ang pondo para ipantulong sa middle income earners.

Matatandaang hinirit ni Cavite Governor Jonvic Remulla na isama rin sa mga bibigyan ng tulong pinansiyal ng gobyerno ang middle income family na naapektuhan ng krisis sa COVID-19. (Eileen Mencias/ Aileen Taliping)