KUALA LUMPUR — Umaasa si Dines Dumaan na magpapatuloy ang sapat na pinansiyal na suporta sa PhilSilat Sports Association, Inc. mula sa Philippine Sports Commission matapos niyang tapusin ang isang dekadang tagtuyot sa gold medal ng Pilipinas sa 29th Southeast Asian Games 2017 na natapos kagabi sa Bukit Jalil Stadium.

“Sana po gaya dito sa SEA Games, matulungan ulit ng sapat ng PSC ang NSA (national sports association) namin para sa prepration sa next com­petitions,” sabi ni Dumaan.

Nagsakripisyo ang 22-anyos na Panitan, Capiz native na huminto muna sa kursong BS Marine (third year) sa Colegio dela Purisima Concepcion-Roxas City para sa kumpetisyon.

Nadaklot ng SEA Games rookie ang gold sa men’s tanding (fighting)­ Class A 45-50-kg sa pagdismantel kay Firman ng Indonesia sa final 4-1 sa Juara Stadium-Bukit ­Kiara Sports Complex.

Si Earl Buenviaje ang huling naka-gold sa 2005 PHL SEAG sa men’s tanding Class F 70-75kg.

Nagsimula si Dumaan sa taekwondo bago lumipat sa pencak silat at nakapasok sa national team 18-buwan na ang nakakaraan.

May kontribusyong bronze sina Princesslyn Enopia sa women’s class C 45-50kg, Rickrod Ortega sa class I 85-90kg, at Jefferson Rhey Loob sa class D 60-65 sa men’s, lahat sa tanding.

Plano ng PhilSilat na maging unang tune up para sa 2018 Asian Games sa Jakarta ang pre-Asian Pencak Silat Tournament sa Pebrero.

Nakatakdang mainsentibuhan si Dumaan ng P300,000 mula PSC.