Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na isumbong sa kanila ang mga barangay captain na hindi parehas sa pamimigay ng social amelioration program (SAP) card.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, dapat makatanggap ang mga mahihirap na pamilya na apektado ng lockdown ng emergency subsidy ng gobyerno na mula P5,000 hanggang P8,000.
“Maliwanag po ang beneficiaries ng batas na ito, lahat ng low income families ay kailangang makatanggap ng SAP Bayanihan Fund depending on the region kung saan sila, the amount is dependent on the region kung saan sila nakatira,” paliwanag ni Malaya.
Batay sa mandato ng Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng mga social amelioration package para matulungan ang 18 milyong mahihirap na pamilyang Pilipino sa panahong nasa enhanced community quarantine ang buong Luzon.
“Mayroon po kaming emergency operation center… Doon po kayo tumawag para i-report ang inyong barangay captain na sa tingin ninyo ay hindi naging patas,” sabi ni Malaya.
“Ngunit ang pakiusap ko naman ‘no, lumapit po tayo sa ating barangay kapitan para ipaalam sa kanila iyong ating hinaing. Baka po sa social media lang natin nilalabas iyong ating complaint. We should go to our barangay official to complain, at kung wala pong naging maayos na tugon ang ating barangay official, dumulog na po sila sa DILG,” payo ni Malaya sa mga tao. (Prince Golez)