Dear Abante Tonite,

Totoong nakakapagod at nakakainis ang nangyaring jeepney strike kahapon pero sa kabilang banda naiintindihan ko ang mga jeepney driver at operator kung bakit sila nagsagawa ng isang kilos protesta. Marami nga namang tsuper ang mawawalan ng trabaho at pagkukunan ng panlaman ng sikmura.

Kung tutuusin ayoko ko rin sa tinatawag nilang jeepney modernization dahil una sa lahat hindi sapat ang pondo at pananaliksik patungkol dito. Dagdag pa diyan mga malalaking korporasyon lang ang makikinabang dito at hindi ang ordinaryong mamamayan. Kapag natupad din ito tataas ang pasahe at lahat tayo ay madadamay. Mahirap na ngang hugutin sa bulsa ang siyam na piso sa pasahe sa jeep. Ang mainam i-rehabilitate ang ating mga Pinoy jeepney.

Kahapon din kasabay ng strike ay sumabay din ata ang MRT na napakabagal ng takbo. Napakatagal ng interval ng mga tren. Sa katotohanan lang hindi lang kahapon ko naranasan ang ganitong serbisyo kundi araw-araw. Kung ano-ano ang inuuna ng gobyerno pagkagastusan ng milyong-milyong buwis ng mamamayan na hindi naman napapakinabangan.

Sana naman ay tuluyan ng maisaayos at mapaganda ang mga tren na hindi nadadagdagan ang pamasahe sapagkat karapatan ng mamamayan ang magkaroon ng magandang mass transportation system. Ang sistema kasi lahat na lang may bayad akala mo naman sapat ang kinikita ng mga manggagawa.

Andres Mendiola