Nakilala si Azenith Briones sa pelikula niyang Omeng Satanasia noong 1977 kasama ang King of Comedy na si Dolphy. Ito ang nagbukas ng pintuan sa kanya para sa mas marami pang pelikula. Humataw sa pag-arte si Azenith sa pelikula niyang ‘Temptation Island’ noong 1980 na ni-remake nito lamang 2011.

Kamusta na kaya si Azenith Briones matapos ang trahed­yang nangyari sa kanya at sa pagkawala ng kanyang asawa sa Resorts World Manila attack nitong nakaraang taon?

“Siyempre dumaan din ‘yung unos, ‘yung buhay ko. Alam na alam naman ninyo na we are one of the victims sa Resorts World, but my husband di ba hindi nga siya nakaligtas, ako naka-survive. Okay naman ako so far, okay na kami, nakamove-on ako dahil I have to move-on because I have four children,” deklara niya.

Ano ang pinagkakaabalahan niya nga­yong siya na rin ang tumatayong ‘padre de familia?’ “Tuloy pa rin ‘yung negosyo ng husband ko. Kami ang nagma-manage ng panganay ko na engineer sa San Pablo, mining ‘yun. Then akin naman yung jewelry business pa rin and then nag-i-start kami na maituloy ‘yung build-and-sell, mas maganda kasi yun.”

Ilan na ang anak niya at apo? “I have four children, four but grown-ups already, yung isa is gradua­ting next year sa La Salle sa Benilde, all of them mga nag-aral sa La Salle, ‘yung ika-third ko is ta­king four year course, college graduate then taking up sa flying school sa Alpha sa Clark. Yung eldest ko I have one grandchild na baby girl, one year old na.”

Ibinahagi niya ang mga pinaka-memorable na pelikulang nagawa niya. “Well I think, siyempre yung kay Dolphy na ‘Omeng Satanasia’ because first movie ko ‘yun. Sa movie ko na ‘yun dun siya tumanggap ng Best Actor. At saka ‘yung kay Da King ‘yung Patayin Si Mediavillo’ tapos itong ‘Temptation Island’ kasi icon movie namin ‘yun. Up to now natatandaan at pinag-uusapan even ‘yung mga younger na mga bading, di ba?”

Mayroon ba siyang di malilimutan na pangyayari sa showbiz noong active pa siya?

“Siguro ‘yung lahat ng partner ko, mga magaga­ling na action stars. Lahat ng leading man ay puro big time.
“Sa movie diyan din ako naka-ipon. Marami rin ako natutunan diyan,” sambit pa niya.

Sino ang nag-impluwensiya sa kanya para pasukin ang showbiz?

“Wala, actually talagang hindi ko plano. Wala akong balak magpelikula, but at that time ‘yung mentor ko diyan yung designer ko nung nagmo-model ako si Mamang Rudy Fuentes. Siya ‘yung parang, ‘hoy kinukuha ka na ngang magpelikula na ikaw ang star dun ayaw mo pa eh ang iba nga diyan ang hirap makapasok tapos ikaw…’ So parang dun ako nag-start.”
May matindi ba siyang pinagdaan sa showbiz?

“Actually, wala naman, dun sa movie kasi masasaya naman kami lahat nun, eh. Even the reporters are very close sa mga artista,, kumbaga tulungan,” pakli pa niya.

Ano ang naitulong sa kanya ng pag-aartista?

“Ang naitulong sa akin siyempre ay ‘yung kabuhayan showcase ko. Nakaipon ako dahil din sa movies. May business na rin ako, nagje-jewelries saka mga damit, sini-service ko lahat ng mga artista diyan, halos lahat sila Sharon, Zsa Zsa, Sila… marami akong artistang sine-service-an ng mga damit kasi namimili ako sa Hong kong, sa America, tapos dinadala ko rin dito, kung ano-ano rin bitbit ko sa sasakyan, masipag talaga ako.”

Ano ang masasabi niya sa young generation ngayon?

“Well, mas maswerte sila ngayon dahil naaa­lagaan sila ng kanilang company. Kahit na walang movies malaki ang kinikita pa rin nila at may adviser na sila na naitatama kung saan dadalhin ang kanilang mga kinikita. Halos lahat ‘di ba may bahay. Hindi kagaya noon walang umaalalay, walang nagga-guide na ‘yung pera mo dito mo ilagay.”

Ano payo niya sa mga baguhang artista nga­yon? “Basta ganun pa rin, ‘yung tumuntong pa rin sa lupa, never lumaki ang ulo, don’t change. Mas lalo kayong sikat, mas lalo kayong magpakababa, dahil di ba… reach out dun sa mga ibang nanga­ngailangan ng tulong. Di ba blessed naman kayo at kaya niyong tumulong e di tumulong kayo lalo na sa mga taga-industriya na mahihirap.”

Ano ang nakikita niya sa sarili niya after 10 years? “Sana naman eh ano buhay pa rin ako at masaya, ganun lang, at mas maayos,” bulalas niya.

Kung may chance ba ay maga-artista siyang muli?

“Hindi ako nagsasara ng pintuan pero depende kung anong ibigay sa akin ni Lord, bahala na,” pagtatapos ni Azenith.