Babae, 3 katropa tiklo sa P5.8M shabu

Isang babae at tatlo nitong katropa ang dinampot nang makumpiskahan ng halos P6 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang dinakip na sina Sheila Eyana, 31-anyos, ng 153 Ablola St., Ronnel Ereno, 22, residente ng 135 M. Domingo St., Barangay Tangos, North; Randel Dela Cruz, 24, ng 106 M. Domingo St; at Christopher James Aguilar, 29-anyos, ng 7A Katibunan St. Muzon, Malabon City.

Isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Genere Sanchez ang buy-bust operation kontra sa mga suspek kasunod ng ilang araw na surveillance operation matapos na umaktong poseur-buyer ang isang pulis at bumili ng halagang P10,000 shabu mula kay Ereno na pumayag makipagtagpo sa Togo St., Brgy. Tangos North, bandang alas-8:20 kamakalawa ng gabi.

Iniabot ni Ereno, kasama ang tatlong tulak ang isang pakete ng shabu sa pulis kapalit ng dalawang tunay na P1,000 bills na kabungkos ng boodle money saka dinamba ang mga suspek.

Nakumpiska sa grupo ang apat na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 855 gramo at nagkakahalagang P 5,814,000.00.

Nabatid na kasama sa listahan ng police at barangay drug watchlist sina Ereno, Dela Cruz at Eyana at kasalukuyang nakakulong sa Navotas detention cell.

Nahaharap ang mga ito ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act. (Vick Aquino)