Sa halip na bibisita lamang, kabilang na ngayon ang isang ginang sa mga nakakulong na preso matapos na makapkapan ng iligal na droga na idedeliber sana nito sa kaibigang inmate sa Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni Novaliches Police Station 4 commander PSupt. Rossel Cejas ang nadakip na si Geraldine Opsar, 47-anyos, ng Brgy. Gulod, Novaliches.

Nakumpiska sa ginang ang dalawang plastic sachet ng shabu at aluminum foil na nakatago sa kaliwang bulsa ng pantalon nito sa isinagawang ‘routine inspection’ ng mga awtoridad dakong alas-12:10 ng tanghali (Pebrero 26).

Sa imbestigasyon, sinabi ni Opsar na pinakiusapan lamang umano siya ng kaibigang si alyas Lovely na i-deliver ang nasabing iligal na droga kay Aldrin, 19-­anyos, na nakakulong sa Novaliches Police dahil sa pagnanakaw.

Ang ginang ay nakapiit na rin sa Novaliches Police habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.