Dinampot ng mga awtoridad ang isang 21-anyos na babae nang maispatan itong nagnanakaw ng mga assorted cosmetic products sa loob ng isang mall kamakalawa ng hapon sa Barangay Sta. Lucia, Pasig City.

Sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Jovelyn Conrado y Masamoc, 21, taga-Pasig City at nahaharap sa kasong theft/shoplifting.

Inaresto ang suspek bandang alas-12:15 Lunes ng hapon sa loob ng supermarket sa Ortigas Ext., Barangay Sta. Lucia makaraang mabuking sa pagsisilid ng mga mamahaling cosmetic products sa loob ng kanyang bag.

Ayon sa report, napansin ni Lady Guard Rolesa Lisondra, 34-anyos, ang kahina-hinalang kilos ng suspek habang nag-iikot at agad na lumabas kaya ininspeksyon nito ang bag at doon na nakita ang nasa mahigit P10,358 assorted costemic, kabilang na ang mga lipstick, make-up at iba pa.

Agad na dinala ang suspek sa admin office at nagsampa naman ng reklamo sa Pasig Police si Rommel Villanueva y Gaca, 27-anyos, selling assistant ng Metro Main Star Asia Corp. a

Nahaharap ngayon sa kasong theft ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa Pasig detention cell. (Vick Aquino)