Babae nagreklamo sa presinto, kalaboso

By Juliet de Loza-Cudia

Hindi na nakalabas ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang isang babae na nakatakda sanang maghain ng kasong theft laban sa isang bakla matapos na makita ng kanyang mga ginoyo na magrereklamo rin laban sa kanya kamakalawa sa Maynila.

Nasa kustodiya na ngayon ng MPD-GAIS ang suspek na si Editha Montero Bacani-Betguen na may mga alyas na Editha Montero De Guzman at Fatima De Guzman, taga-#3 F. Matulungin St., Brgy. Central, Quezon City dahil sa reklamong estafa at large scale illegal recruitment.

Si Montero na recruiter ng isang overseas employment agency ay natiyempuhan ng may 12 babaeng nabiktimang aplikante na bigong makaalis patungong Saudi Arabia.

Alas-11:30 ng umaga nang maghain ng reklamo sa Theft and Robbery Section (TRS) si Montero laban sa isang bading na inakusahan nito ng pagnanakaw ng kanyang bag at mga alahas. Tiyempo namang nakita siya ng mga recruit niya na nagkataong naghahain din ng reklamo sa MPD-GAIS laban sa kanya matapos na hindi makaalis sa itinakdang petsa.

Dahil dito’y ‘di na nahirapan nang dakpin ng mga tauhan ng MPD-GAS sa loob ng MPD-TRS si Montero.