Babae nagtitili sa gitna ng Makati

Kilala na ng Philippine National Police (PNP) ang babaeng Chinese na dinukot sa Makati City kamakalawa nang gabi.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director Brig. Gen. Debold Sinas, nakilala ang biktima na si Zhou Mei, 28-anyos, at empleyada ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). Malaki rin umano ang posibilidad na mga Chinese rin ang dumukot sa biktima.

Sa report ni Makati City police chief Col. Rogelio Simon, may mga dokumentong nakuha ang mga awtoridad na magpapatunay na kapwa Chinese national ang dumukot sa biktima.

“We obtained documents. He [Simon] believes that those involved are also Chinese. We will not give their names because the investigation is ongoing,” ayon kay Sinas.

Sa pinakahuling report ng PNP Anti-Kidnapping Group ( AKG) nasa 43 kaso ng kidnapping ang nai-report na may kaugnayan sa pagkakautang sa mga POGO simula noong Enero hanggang Nobyembre ng kasalukuyan taon na nagppatunay na halos isang Chinese ang dinudukot kada linggo.

Tinukoy ng NCRPO chief ang nasamsam na ‘deed of sale’ ng behikulo at photocopies ng Chinese passports sa crime scene kung saan ay puwersahang kinaladkad ang biktima ng mga suspek sa kaniyang kulay gray na van habang nagtititili at humihingi ng saklolo.

Aniya, ang mga suspek na dumukot sa biktima ay posibleng may kinalaman sa pagkakautang sa kanila, na gaya ng mga nangyaring kaso ng kidnapping sa mga Chinese sa bansa na dinudukot upang pilitin na magbayad.

Binigyang-diin ng NCRPO chief, na-review na ng mga Makati police ang ‘foo­tages’ na nakunan ng (CCTV) na nasa kanto ng Paseo de Roxas at Nieva St. sa Legazpi Village, kung saan naganap ang pagdukot sa biktima.

“Accordingly, the car did not speed away. It just roamed around in Paseo de Roxas so it means it was not really kidnapping for ransom per se because after the lady boarded the car, they just roamed around the area and they were tracked by different CCTVs,” giit ni Sinas.

Una nang sinabi ng Makati police chief na sa kanilang imbestigasyon ay tila kilala ng biktima ang mga dumukot sa kanya dahil lumapit pa ito sa sasak­yan bago siya kinaladkad ng dalawang lalaki sa loob.
Iginiit din ni Sinas, na ang insidente ay hindi maituturing na kidnapping gaya nang napaulat, dahil wala naman umanong hinihinging ransom ang mga suspek.

“That is the motive, may utang. Hindi naman ransom ‘yung utang. It’s the motive. Sa kidnapping kasi ang motive is ransom,” dagdag pa ng opisyal na NCRPO.

“Ang tinitingnan namin usually na cases ay mga POGO o online companies na Chinese na ‘yong kanila ng employees mismo nakakagawa ng kasalanan o may mga ninanakaw sa company at iyon nga, ‘pag naisagawa na ang pagnanakaw, nagtatago na ang empleyado,” ayon naman sa hepe ng Makati City police.

Nabatid na natukoy ni Makati City Police Investigation Unit Chief Police Major Gideon Ines Jr. ang biktima kasunod ng paglutang ng kaanak ng biktima at sa ikinasa nilang follow-up operation.

Aniya, ang asawa ng biktima na nakilalang isang Chen Tangbin, ang nakasulat sa narekober na deed of sale ng Honda accord na ibinenta naman ng Chinese national na si Mr. Jianwei.

Natuklasan rin na may isang hindi pa natutukoy na tao ang sinasabing nanghihingi ng pera kay Tangbin, subalit wala ito sa kanyang tahanan sa Eton Residences sa Greenbelt-Makati nang puntahan ng mga pulis dahil nagmamadali umano itong u­malis ayon sa mga security guard.

Mayor Binay kumilos
Agad na inutos ni Makati City Mayor Abby Binay kay Police Col. Rogelio Simon na magsagawa ng masusing im­bestigasyon hinggil sa pagkakadukot sa babaeng Chinese national na nag-viral sa social media kamakalawa nang gabi sa lungsod.

“Ipinag-utos ko na pagpapaigting ng police visibility upang mapangalagaan ang kaligtasan ng lahat ng mga Makatizen, kabilang ang mga banyagang nagtatrabaho at nagnenegosyo dito sa lungsod,” ani ni Mayor Binay.

Sinabi pa ng alkalde na hinihikayat niyang lahat ng Makatizen na i-report ang mga krimen at iba pang mapanganib na sitwasyon sa mga awtoridad nang sa gayon ay kaagad makapagresponde ang pulisya.
Aniya, tandaan ang unang dapat gawin ay ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mga ganitong pangyayari.

May-ari ng L300 van inaalam
Nang berepikahin ang plaka ng sasak­yang ginamit sa pagdukot, nabatid sa Land Transportation Office (LTO) na buhat ito sa isang Mitsubishi L300 at hindi sa isang Kia Carnival
Nabatid pa sa imbestigasyon na may naniningil na malaking halaga ng pera ngunit hindi pa matukoy kung si Cheng o ang dinukot na si Zhou ang sinisingil.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at ang ikinasang mga follow-up operation.

Walang dapat ikatakot
Kinalma ng Malacañang ang publiko kaugnay sa nag-viral na video sa social media na insidente ng kidnapping sa Makati City.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang dapat na ikatakot ang publiko dahil iniimbestigahan na ng mga awotoridad ang pagdukot sa babaeng Chinese.

Hindi matiyak ni Panelo kung nakita na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang video pero nakatitiyak ito na kumikilos na ang Makati police para malutas ang kaso.

“I do not know if the President has seen the video, but even if he has not, the PNP would be investigating the same and will pursue the people behind the kidnapping,” ani Panelo. (Dolly Cabreza/Armida Rico/Edwin Balasa/Aileen Taliping)