Pinaniniwalaang nilapa ng mga asong gala ang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae na natagpuan sa isang bakanteng lote sa Mahayahay, Brgy. Langub, Davao City.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng lokal na pulisya na isang senior citizen na kinilalang si Rodrigo Abarilla ang nakakita sa naaagnas nang bangkay ng babae habang nagpapakain umano ito ng alagang baka malapit sa lugar.
Hindi pa matukoy kung sino ang biktima na inilarawang nasa 25 hanggang 30 taong gulang ang edad, nakasuot ng asul at bulaklaking t-shirt.
May mga ngatngat ang kaliwang braso ng biktima na pinaniniwalaang kagagawan ng mga asong gala.
Dinala ang mga labi ng biktima sa isang punerarya sa lungsod para isailalim sa autopsy upang matukoy kung ano ang dahilan ng pagkamatay nito habang patuloy din sa pag-iimbestiga ang pulisya para makilala ito.