Babae pinatay, bangkay hinagis sa highway

Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa bangkay ng isang babae na basta na lang itinapon sa gilid ng highway sa Candelaria, Quezon noong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa Candelaria police, nadiskubre ng isang motorista ang bangkay ng babae na tinatayang nasa edad 30-35, sa gilid ng Candelaria by-pass road sa Brgy. Bukal Sur ala-1:40 ng hapon.

Batay sa pagsisiyasat, may mga pasa ang kanang pisngi ng biktima na nakasuot lamang ng bra at pantalong maong nang matagpuan.

Wala namang nakakakilala sa bangkay sa mga taga-kalapit na lugar.

Posible umanong pinatay ito sa ibang lugar at itinapon lang sa kinatagpuang lugar para mailigaw ang imbestigasyon.

Isinailalim na rin sa pagsusuri ng SOCO ang biktima upang malaman kung ano ang ikinamatay nito. (Ronilo Dagos)