Babae pinatay, tinapon sa Cavite

Pinaniniwalaang pinatay sa pamamagitan ng pagtakip sa mukha para hindi makahinga hanggang mamatay ang isang babae na natagpuan ang bangkay sa isang bakanteng lote sa Salazar Compound, Barangay Mabuhay, Carmona, Cavite kamakalawa ng hapon.

Inilarawan ang hindi pa nakikilalang babae na nasa 30-35 taong gulang, may taas na 5’3, mahaba ang buhok, at nakasuot ng asul na polo na may stripe at bulaklakin ang disenyo na kulay pula.

Sa ulat ni PMSg. Marlon Ramirez ng Carmona Police Station, dakong alas-4:10 hapon natagpuan ang bangkay matapos silang makatanggap ng tawag mula sa isang residente.

Nakasilid pa ang ulo ng biktima sa isang garbage bag nang datnan ng mga awtoridad. Ayon kay Ramirez, walang anumang sugat o palatandaan na pinahirapan ang biktima.

Hinala ni Ramirez na itinapon lamang ang bangkay sa nasabing lugar dahil walang nakakakilala sa kanya na mga residente. (Gene Adsuara)