Babae rumampa nang hubad para tuldukan ang karahasan sa kababaihan

Sa kagustuhang matuldukan na ang iba’t ibang karahasan sa kababaihan, walang takot na naglakad nang hubad sa kahabaan ng abalang kalye ng Teresa sa tapat ng Polytechnic University of the Philippines, Sta. Mesa Manila.

Isinulat nito sa katawan ang mga salitang “Don’t blame me for what I wear”, “me too”, at “don’t tell me how to dress”.

Ayon sa Facebook post ng PUP SPEAK, ang naturang pag­huhubad ay dahil sa pagsasagawa ng kontemporaryong dagling-palabas ng PUP Sininglahi Polyrepertory kaisa ang isang artista mula sa Columbia na si Maria Victoria Nuñez.

Ang pagtatanghal umano ay baha­gi ng selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Ang pagsasagawa nito ay upang maipakita na ang sining ay isang mabisang midyum ng paglalahad ng tunay na nagaganap sa lipunan.

Layunin nitong ihatid sa mga manonood ang mensahe upang mawakasan ang iba’t ibang uri ng karahasan sa kababaihan sa buong mundo. Umani naman ng paghanga ang naturang palabas.