Babae sa illegal drug trade nalambat

Isang babaeng umano’y big time drug pusher ang naaresto matapos itong makuhanan ng shabu na nagkakahalagang mahigit sa P7 milyon sa Parañaque City nitong Huwebes nang umaga.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng Parañaque City Police ang suspek na si Alpia Salaliguia, na sinasabing sangkot sa illegal drug trade sa Mindanao.

Sa record, nasa high value target si Salaliguia kung saan tumatawid umano sa CALABARZON at Metro Manila ang iligal nitong gawain.

Nitong Huwebes ay nagkasa ng buy-bust operation ang mga pulis laban sa suspek sa Brgy. Bosco, Parañaque City dakong alas-9:00 nang umaga.

Nabatid kay PNP Drug Enforcement Group Special Operation Unit 4 Police Lt. Col. Remegio Yapes, nagsimula ang transaksyon sa General Trias, Cavite na umabot sa Pasay hanggang nakarating sa Parañaque City.

Naging mailap aniya ang babaeng suspek ngunit nasakote din habang nakasakay ito sa isang puting kotse.

Isang police asset ang bumili ng 300 gramo ng shabu sa suspek kaya nalansi ito at nakumpiska mula sa kanya ang bulto-bultong droga na nagkakahalagang mahigit sa P7 milyon. (Armida Rico)