Sugatan ang isang babae matapos saksakin ng 69-anyos nitong kapitbahay dahil lamang umano sa tagas ng tubig kahapon sa Taguig City.

Sanhi ng tatlong tama ng saksak sa katawan, nakaratay ngayon sa Taguig-­Pateros District Hospital si Dolores Barcia, 53, house keeper, naka­tira sa #197 Sitio Una, Zone 1, Brgy. Fort Bonifacio.

Mabilis namang tumakas ang kapitbahay na si Miguel Olivas, 69, matapos ang ginawang pananaksak sa biktima.

Sa report ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, alas-12:45 ng tanghali nang maganap ang insidente sa inuupahang bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Nagtalo umano ang biktima at suspek hinggil sa tumatagas na tubig mula sa kusina ng bahay na inuupa­han ni Barcia.

Sandaling umuwi ang suspek at pagbalik ay armado na ng kutsilyo at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang babae. (Armida Rico)