Babae tinarakan ng ex-lover

Kritikal ang kalagayan­ ng isang 37-anyos na ginang sa Naic, Cavite makaraang saksakin ng dati nitong live-in partner dahil umano sa selos.

Inoobserbahan pa sa pagamutan ang biktimang si Maricon Qunito, empleyado ng Naic Municipal Hall, at residente ng Brgy. Ibayo Estacion dahil sa saksak na bumaon sa kanyang dibdib. Arestado naman ang suspek na si Winston Pangilinan, 36, company driver, ng Brgy. San Roque.

Nangyari ang krimen alas-7:50 Huwebes nang gabi, sinundan umano ng suspek ang biktima sa sinakyan nitong tricycle at nang bumaba na si Qunito ay kinompronta ito ni Pangilinan na nauwi sa pananaksak, agad na naaresto ng mga rumespondeng tanod ang suspek habang dinala ang biktima sa ospital.

Nabatid na nagsampa ng kasong emotional abuse ang biktima laban sa dating live-in partner matapos silang maghiwalay. Nakapag-piyansa umano ang suspek nito lamang Pebrero.

Sinasabing nag-selos umano ang suspek nang nalaman nito na may kapalit na siya sa puso ng biktima kaya nagawa ang pananaksak. (Gene Adsuara)