Humantong sa kulungan ang isang 22-anyos na babaeng electrician dahil sa pagsasabing may bomba ang kanyang bag habang nakapila sa inspeksyon ng mga pumapasok na trabahador ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Kawit, Cavite kamakalawa nang umaga.
Kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 (malicious dissemination of false information of the willful making of any threat concerning bomb) ang isinampa laban kay Kimberly Hita ng Brgy. Molino 4, Bacoor City, Cavite dahil sa reklamo nina Dante Cobitan at Joan Golosino, kapwa security guard ng First Orient International Venture Corporation.
Sa ulat ni PSSgt Jason Murcia ng Kawit Municipal Police Station, dakong ala-1:30 kamakalawa ng hapon nang arestuhin ang suspek habang nakapila ito sa inspeksiyon ng mga pumapasok na trabahador ng First Orient International Venture Corporation sa Covelandia Road, Brgy. Pulborista, Kawit.
Papasok ang suspek sa nasabing kompanya kung saan dadaan muna sa tinatawag nilang ‘250 Frisking Post’ para sumailalim sa inspeksyon at habang sinisiyasat ang kanyang bag ay nagsabi umano si Hita na “Ingat kayo, may lamang bomba ‘yan”.
Dahil sa kanyang sinabi, inalis siya sa pila at inimbitahan sa security office kung saan nang buksan ang kanyang bag ay personal na gamit at laptop lang pala ang mga laman nito.
Ang naturang kompanya ang nasa likod ng mga itinatayong gusali ng POGO sa dating Island Cove sa Kawit. (Gene Adsuara)