Babaeng human trafficker naharang sa airport

Isang babaeng Fil-Taiwanese na hinihinalang naging courier para sa sindikato ng human trafficking ang naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport (CIA) sa Angeles City, Pampanga.

Sa ulat na ipinarating kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang pasahero ay naharang noong Lunes habang pasakay sa kanyang flight papuntang Taipei.

Nabatid na ang pasaherong hindi pinangalanan dahil sa pagbabawal sa batas ng anti-trafficking, ay pini­gil matapos matuklasan ng security officer sa paliparan na may hawak siyang 22 pirasong Philippine passport.

“The passports were found inside her luggage and she admitted during questioning that these belong to people who were recruited by her bosses to work in Malta without appropriate­ permits and proper documents,” ayon sa ulat.
Idinagdag pa na ang mga biktima ay nagbayad na sa sindikato ng P150,000 bilang kapalit ng pagpoproseso ng kanilang mga working visa sa Malta na gagawin sa Taiwan. (Mina Aquino)