Wala nang buhay at wala ring pang-ibabang damit nang matagpuan ang isang babae sa kanal ng Barangay Ayungon, La Carlota City, Negros Occidental kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Merlyn Villamar, 26-anyos, residente ng bayan ng San Enrique at hinihinalang ginahasa bago ito patayin.
Sa ulat ng La Carlota City Police, dakong alas-8:45 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima na wala nang pang-ibabang kasuotan.
Nagtamo ito ng putok sa ulo na pinaniniwalaang pinukpok ng malaking bato.
Ilang metro lamang sa lugar na pinagtagpuan ng bangkay ay nakita ang underwear ng biktima gayundin ang tipak ng bato na may bahid pa ng dugo na maaaring ipinangpukpok ng hindi pa kilalang suspek.
Huling nakita si Villamar noong Sabado ng gabi, matapos makipag-inuman sa kanyang mga kaibigan at kapatid.
Nagpaalam daw ito na mauuna nang umuwi, pero hindi na dumating sa kanilang bahay.
Posible umano na bukod sa panggagahasa at pagpatay ay pinagnakawan pa ang biktima dahil nawawala ang kanyang motorsiklo at cellphone.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan ng salarin at pagbibigay-hustisya sa biktima na napag-alamang ikakasal sa susunod na buwan.