Babaeng kidnaper gumagala, 2 bata kinana

Arestado ang isang babaeng kidnapper matapos ang mabilis na pag-aksyon ng mga barangay tanod na nakakita sa komosyon nang tangkain ng dalawang bata na tumakas kamakalawa nang gabi sa Sampaloc, Maynila.

Binitbit sa Manila Police District-Police Station 4, ang suspek na si Paulina Alanda alyas ‘Annie,’ taga-Old Market Rosalyn St., Cotabato city.

Ayon kay P/Supt. Robert Domingo, station commander ng MPD-PS 4, alas-8:30 ng gabi nang maaresto ang suspek sa Pinpin St., Sampaloc, Maynila.

Nakita umano ng mga barangay tanod ang pagtakbo ng dalawang paslit na si Jojo, 7; at Cezar, 8 at nang tanungin ay isinumbong ang suspek kaya kaagad nitong hinabol ang suspek at naaresto.

Bago ang insidente, nasa lugar umano ang dalawang bata nang lapitan ng suspek at kausapin, habang kinakausap nakita unano ng dalawang bata ang pagsenyas ng babae kung saan nag­labas ng face towel para palapitin ang isang close van na nakaparada ‘di kalayuan.

Kasunod nito’y bigla umanong hinawakan ng suspek ang dalawang bata sa braso pero nagawa ng mga itong pumig­las at makatakbo kung saan dito nila nakasalubong ang mga barangay tanod.

Nang ituro ng mga bata ang babae dito na dinamba na Delfin Sima Franco, barangay tanod ng Brgy. 564 Zone 57 ang suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang babae ay kumpirmadong nasa larawan na kumalat na sa Facebook at itinuturong kumikidnap sa mga bata.

Sinabi ni Domingo na posibleng nakapagpiyansa at muli na namang bumalik sa pagdukot ng mga bata ang suspek.
Nakatakdang sampahan ng kasong kidnapping sa Manila Prosecutors Office ang suspek.

Sanhi nito, nagdulot naman ng takot sa mga magulang na nakatira sa lugar ang insidente sa pangambang may mga kasamahan pa ito na gumagala sa lugar at nangunguha ng mga bata.