Namatay ang isang 24-anyos na babae makaraang dalawang beses barilin ng kanyang kinakasama makaraang hindi umano nito matanggap na hihiwalayan na siya ng una sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Kinilala ni Batasan Police Station (PS 6) commander P/Supt. Joel Villanueva ang biktimang si Divina Buere Catina, 24, tubong-Bicol at residente ng No. 4882 Lower Bayanihan St., Brgy. Commonwealth, QC.

Namatay ito habang inooperahan sa East Avenue Medical Center sanhi ng tinamong da­lawang tama ng bala ng kalibre 45 sa ­likuran.

Agad namang naaresto ang live-in partner nitong si Regenaldo Bulye Galaygon alyas ‘Dong,’ 53-anyos.

Sa inisyal na report ni PO1 John Mark Calda, ng Batasan Police Station, ang pamamaril ay naganap dakong alas-9:10 ng gabi sa tahanan ng mag-live in.

Sa pahayag ng saksing kapitbahay ng biktima, naulinigan nitong nag-aaway ang biktima at suspek at ilang saglit lang ay nakarinig na siya ng dalawang putok ng baril.

Kasunod noo’y nakita niyang duguan nang tumatakbo sa labas ng kanilang taha­nan ang biktima habang humihingi ng saklolo kaya agad niya itong tinulungan at isinugod sa nasabing ospital.

Lumitaw na nakiki­paghiwalay na umano ang biktima sa suspek at posibleng dahil sa hindi nito matanggap ang desisyon ng babae ay kanya itong binaril.