Natakasan ng isang babaeng drug pusher ang operasyon pinagsanib na tauhan ng Manila Police District -Police Station 1, 3 at 4 kamakalawa ng gabi sa Algeciras St. Sampaloc, Maynila.

Gayunman ay arestado naman ang tatlong iba pa kabilang ang kanyang kasabwat.

Nabatid na isinama pa rin sa kasong paglabag sa Sec. 5 Art II, NG RA 9165 kilala bilang Dangerous Drug Act of 2002, ang suspek na si Mary Luz De Los Reyes alyas “SSOB”, 28, residente ng 1572 Algeciras St. Sampaloc, Maynila.

Gayundin ang kasabwat nitong si Gerald Rodriguez alyas “Rald”, pintor, miyembro ng Bahala na Gang at residente rin sa nabanggit na lugar; Mark Edrene Hernandez, 19, ng 1778 Antipolo St., Sta.Cruz, Maynila; at Leonardo delos Reyes, 49, nakatira rin sa bahay ni Delos Reyes na bukod sa sinampahan ng paglabag sa RA9165 ay kinasuhan rin ng paglabag sa Manila Ordinance 877 dahil sa paglabag sa curfew at hindi pagsuot ng facemask.

Ayon sa MPD-PS1, alas- 8:30 ng gabi sa may Algeciras St. Sampaloc, isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer at nang magkaabutan ay saka inaresto si Rodriguez at isinama na rin si Leonardo nang tangkain nitong awatin ang mga pulis sa pag-aresto kay Rodriguez. Maging ang sinasabing “iskorer” ng shabu na si Hernandez ay inaresto.

Nakumpiska naman sa buy bust ang shabu na may 77 gramo at may street value na P523,600.00. (Juliet de Loza-Cudia)