Patay ang babaeng Sangguniang Kabataan (SK) chairman ng barangay Ibaugan sa bayan ng Daraga, Albay matapos itong pagbabarilin ng apat niyang bisita Lunes nang hapon sa nabatid na bayan.

Dead on the spot matapos magtamo ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si incumbent SK Chairman Jane Nunez Moneda, 25, ng P2 Barangay Ibaugan ng nabatid na lungsod. Mabilis namang tumakas ang apat na suspek matapos ang insidente na ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya.

Ayon kay Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, alas-tres nang hapon nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.

Ayon sa nanay ng biktima, dumating ang apat na suspek sa kanilang bahay at kinausap ang kanyang anak hinggil sa hindi pa batid na bagay.

Makalipas ang ilang minutong usapan ay bigla na lang pinagbabaril ang biktima bago mabilis na nagsitakas.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa krimen upang mabatid ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek. (Edwin Balasa)