Babaeng traffic enforcer minartilyo ng ex

Patay ang isang lady traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos martilyuhin ng paulit-ulit ng kanyang dating kinakasama nang tumangging makipagbalikan kahapon nang madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Wala nang buhay nang madiskubre ng kanyang anak ang biktimang si Concepcion Romero y Beldad, empleyado ng MTPB, at taga-No. 206 A. Mirasol St., Balut, Tondo.

Mabilis namang tumakas ang suspek na si Roderick Capulong, tambay.

Sa imbestigasyon ni PMSG Batay Jansen Rey San Pedro, ng Manila Police District-homicide section, alas-2:40 nang madaling-araw nang madiskubreng duguan ang ginang ng kanyang 16-anyos na anak.

Kaagad nitong sinabi sa tiyahing si Margaret Bancoro, 46, kapatid ng biktima, ang nakita kaya kaagad nila itong isinugod sa Tondo Medical Center, pero alas-4:34 nang madaling-araw nang ideklara itong patay ni Dr. Gian Carlo Rabago.

Nalaman na dumating umano sa bahay ang suspek at nagawa pa nitong halikan ang dalawang anak sa biktima.

Nabatid na nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa pagpapaluin nito ng martilyo sa ulo ang ginang saka mabilis na tumakas.

Nalamang matagal nang hiwalay ang mag-live-in at posible umanong pinipilit nitong magkabalikan sila pero tumanggi ang biktima.

(Juliet de Loza-Cudia)