Babaing OFW, nagpakamatay sa quarantine facility sa Pasay

Bunga ng matinding depresyon, nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti ang isang babaing Overseas Filipino Worker (OFW) habang sumasailalim sa quarantine kahapon ng umaga sa Pasay City.

Patay na nang madiskubre ng kanyang mga kapwa OFW si Algen Cadungog, 42, residente ng Demapaco Libungan, Cotabato City dakong alas-6:00 ng umaga na nakabitin sa ilalim ng hagdanan sa loob ng Liza Lodge sa Cuneta Avenue, Brgy. 76 na ginawang quarantine facility ng mga nagdaratingang FW.

Sa tinanggap na ulat ni Pasay City police chief P/Col. Erickson Dilag, natagpuan ang nakabiting bangkay ng biktima ng kanyang mga kapwa Pinay worker na sina Edna Maturan, 51 at Noemi Gorospe, 38 sa ilalim ng hagdanan ng Room 45 ng naturang lodging inn na may nakapulupot na telang bandana sa leeg.

Ayon sa dalawa, lahat sila ay dumating sa bansa mula sa Kuwait noong Abril 4 at dinala sa naturang lodging inn na pansamantalang ginawa bilang quarantine facility.

Sinabi ng dalawa na bago ang insidente, naikuwento pa sa kanila ng biktima ang tangka nitong pagpapakamatay noong nasa Kuwait pa sila subalit hindi na idinetalye kung ano ang dahilan.

Huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang mga kasamahan dakong alas-4:00 ng madaling araw na tila malungkot at mistulang dumaranas ng matinding depresyon.

Pansamantalang inilagak muna sa Rizal Funeral Homes ang bangkay ni Cadugnog upang isailalim sa autopsy examination habang gumagawa na ng paraan ang mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang ipaalam sa mga kaanak ang nangyari sa biktima. (Edison Reyes)