Maraming lugar at tourist destination sa Pilipinas ang napuntahan ko na karamihan ay sa Visayas at sa Mindanao hanggang sa dulong bahagi nito at pagdating naman sa Norte tanging Batanes na lang ang hindi ko napupuntahan, ilang kaibigan at kakilala ang nasabing napakaganda ng Batanes, na minsan ay tiningnan ko pa ito sa ‘google’, maganda nga at mas naging interesado ko na puntahan ito lalo na ang kilalang ‘Honesty Coffee Shop’ gayundin ang Lighthouse, Marlboro Country, Fundacion at Old Stone House sa Basco, Batanes.
Hanggang sa nagkaroon nga ako ng pagkakataon na mabisita ang Batanes kasama ang ilan sa aking mga kaibigan na excited din maikot at makita ang kagandahan ng lalawigang ito.
Unang pagkakataong narating namin ng mga kaibigan ko ang Batanes noong June 11, 2016 nang lumapag kami sa Basco Airport na kapitolyo o kabisera nito.
Napaka-aliwalas ng panahon at bumungad agad sa amin ang malinis na kapaligiran. Unang ginawa ng tropa ay nag-selfie. Kapansin-pansin din ang mainit na pagtanggap sa amin ng mga Ivatan o ng mga taga-Batanes. Magalang at masayahin sila.
Agad kaming nagtungo sa AMBOY Hometel sakay ng van ilang metro lang ang layo sa airport. Habang nasa biyahe patungo sa tutuluyan namin, napansin ko ang karaniwang transportasyon nila ay motorsiklo, bisikleta, ilang jeepney at mga van na gamit din ng ilang turista.
Matapos makapag-check-in at makapagpahinga ng kaunti sa hotel ay nagtungo na kami sa Octagon Restaurant upang mananghalian. Masarap ang mga pagkain doon na gaya ng pinakbet, sinigang na baboy, fried boneless bangus, crispy pata at ang pinaka-gusto ko ang sariwa pa at malinamnam na lobster.
Sa ilang araw na bakasyon natikman din namin ang masarap na dinaing na flying fish na maging ang tinik ay maaari mong kainin sa pagka-crispy nito.
Sumunod nito ay ang paglilibot at pamamasyal sa mga tourist spot sa Batanes na masasabi ko na walang katapusang pagkamangha sa mga lugar at mga tanawin na kahit saan mo ibaling ang camera ay siguradong maganda ang larawan mo.
Habang napapaisip ay nabanggit ko sa mga kaibigan ko na talagang napakagaling na artist ng Poong Maykapal dahil sa perpektong pagkakaayos ng mga bundok, burol, dagat at kalangitan.
Kung mabibigyan muli ng pagkakataon ay babalik ako sa Batanes at isasama ko ang mahal ko at sasabihin ko sa kanya na “e-Dawn Zulueta mo ako”.
I love Batanes. It’s more fun in the Philippines and I’m proud to be a Filipino!